Panukalang 'no car, no garage' di solusyon sa trapiko: abogado

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 12:05 PM | Updated as of Oct 17 2018 12:46 PM

Watch more in iWantTFC

Perwisyo para sa ilan ang pagpaparada ng ilang motorista ng kanilang sasakyan sa kalsada, lalo na kung sa eskinita ito inilagay. 

Iyon ang nais ipagbawal ng mga senador sa kanilang panukalang batas na Proof of Parking Space Act, na layong pagbawalang bumili ng sasakyan ang mga motoristang walang espasyo na pamparada ng kotse sa kanilang bahay. 

Pero bagama't posibleng makatulong sa pagbabawas sa pagsikip ng daan at trapiko, hindi ito ang lunas sa matagal nang problema ng mga Pinoy, ayon sa isang abogado. 

Paliwanag ni Atty. Claire Castro, kinakailangang ayusin ang sistema sa transportasyon para mahikayat ang mga motorista na hindi bumili ng kotse, dahil bumibili raw ng kotse ang isang motorista para hindi makipagsapalaran sa matinding trapiko. 

"Maganda, pero tingin ko hindi ito 'yung pinakasagot...[A]ng hirap kasi talaga na di ka bibili ng sasakyan dahil wala tayong matinong public transportation," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes. 

"Kapag okay ang transportation natin, hindi tayo mapipilitang bumili ng mga sasakyan," dagdag ng abogado. 

Metro Manila lang ang sakop ng Proof of Parking Space Act. Pero ayon kay Castro, dapat sinasama na rin ang mga probinsya sa nasabing batas. 

Sa ilalim ng panukala, dapat maghain ng affidavit ang mga bibili ng mga kotse na nagdedeklarang may espasyo sila para iparada ang kanilang sasakyan. Maaari ring isumbong ng mga ordinaryong mamamayan sa mga awtoridad ang mga lumalabag dito. 

Kung mapatunayang lumabag ang isang motorista, papatawan siya ng P50,000 na multa. 

Pabor ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) sa panukala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.