Lalaki arestado sa pagpatay umano sa 3 anyos na bata sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 08:01 PM

Natagpuang patay ang 3 anyos na batang babae sa irigasyon ng Barangay Rizal, Santiago City, Isabela nitong Martes ng umaga.

Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang bata noong Linggo ng hapon kasama ang kapitbahay na si Roland Domingo, na inaresto ng pulisya sa isang follow-up operation.

“Sinakal niya ('yung bata). Talagang inuwestra pa nga niya hanggang mawalan siya ng hininga saka niya binitawan," ayon kay Chief Insp. Rolando Gatan.

Pero giit ng suspek, iniutos raw ito sa kaniya ng mismong ama ng biktima.

“Pagkatapos naming mag-inuman nag-drugs po siya saka niya sinabi sa akin na puwede ko bang patayin 'yung anak niya para daw magkaroon ng dahilan na maghiwalay silang mag-asawa," ani Domingo.

Iniimbestigahan ngayon ang ama ng bata na itinanggi naman ang alegasyon ng suspek.

Ayon sa pulisya, matagal na nilang minamanmanan si Domingo dahil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga.

Sinampahan na si Domingo ng reklamong murder.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.