Kawatang nagbebenta ng nakaw na motorsiklo, patay

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 09:18 AM

Napatay sa police operation ang isang lalaking nagbebenta ng nakaw na motorsiklo habang nakatakas naman ang kasamahan niya sa Barangay Ticub sa bayan ng Laurel sa Batangas.

LAUREL, Batangas – Patay ang isang lalaking nagbebenta ng nakaw na motorsiklo habang nakatakas naman ang kaniyang kasamahan sa ikinasang operasyon ng awtoridad, Martes ng gabi sa Barangay Ticub.

Nakatunog ang suspek na mga operatiba ang pagbebentahan niya ng motorsiklo kaya agad umano siyang nagpaputok ng baril.
 
Kaagad na nakatakas ang kasamahan ng suspek na sakay sa isa pang motorsiklo.

Ayon sa impormasyon ng mga pulis, may kaugnayan ang grupo sa serye ng nakawan ng motorsiklo sa lalawigan.

Ito ang lumalabas sa intelligence build-up sa pakikipag-ugnayan ng himpilan sa Highway Patrol Group.

"Ang buong area of ops nila ay buong lalawigan ng Batangas. Nag-strike sila from one municipality to another; one city to another. Usually talaga ang ini-striken nila ay 'yung maraming motor," sabi ni Inspector Eduardo Timbol.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga operatiba sa nakatakas na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.