Grab pinagmumulta ng P12 milyon dahil sa sari-saring paglabag

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 06:39 PM | Updated as of Oct 17 2018 07:47 PM

Watch more in iWantTFC

Pinatawan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang ride-hailing company na Grab ng multang P12 milyon kaugnay ng mga paglabag umano nito sa ilang kondisyong ipinataw sa merger nila ng kakompetensiyang Uber. 

Sa parehong kautusan ng PCC ay pinatawan rin ng P4 milyong multa ang Uber, na itinigil na ang kanilang operasyon sa Southeast Asia. 

Ayon kasi sa PCC, nagkaroon ang Grab ng paglabag sa apat na kondisyon sa ilalim ng Interim Measures Order (IMO) na ipinatupad ng ahensiya. 

"Basically we were telling them status quo muna while we are undergoing the review and we wanted to ensure that we would be able to conduct an objective assessment during this time," ani PCC commissioner Stella Quimbo. 

[Nais namin na wala munang pagbabago sa operasyon nila para masuri namin nang tama ang kanilang deal.]

Ayon sa pahayag ng PCC, tig-P2 milyon ang multa ng Grab sa mga nilabag na apat na kondisyon: 

  • Pagkakaroon ng hiwalay na operasyon sa Uber 
  • Pagkakaroon ng magkahiwalay na operasyon ng Grab at Uber habang wala pang pinal na pag-apruba sa merger
  • Pagkuha ng Grab ng mga impormasyon ng mga drayber at pasahero ng Uber
  • Pagpapatuloy ng merger sa kabila ng nasabing order

Bukod dito, namultahan din ng tig-P4 milyon ang Grab at Uber dahil pinagpatuloy nila ang merger habang sinusuri pa ng PCC ang kanilang mga operasyon.

Ayon sa PCC, P4 milyon lamang ang ipinataw na multa sa Uber dahil sumunod daw ito sa cease and desist order ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB). 

Oktubre 11 ibinaba ng PCC ang desisyon at may 45 araw ang dalawang kompanya para bayaran ang mga multang ipinataw sa kanila. 

May 15 araw naman sila kung nais iapela ang utos.

Iginiit ng PCC na bagama't may paglabag, hindi maaapektuhan ang operasyon ng Grab.

May nakabinbin ring multang P10 milyon ang Grab sa LTFRB kaugnay naman ng ipinataw nitong P2 per minute singil sa kanilang pasada. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Grab na pag-aaralan nila ang desisyon ng PCC. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.