Dating House Speaker Alvarez, muling tatakbo sa Kongreso

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 05:14 PM | Updated as of Oct 17 2018 05:15 PM

Muling tatakbo sa Kongreso si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez.

Kasama ang mga supporters at mga kasamahan sa politika, naghain ng kanyang certificate of candidacy si dating House Speaker Pantaleon Alvarez bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao del Norte Miyerkoles ng tanghali.

Tatakbo si Alvarez sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Makakaharap ni Alvarez si incumbent Davao del Norte Governor Anthony Del Rosario na tatakbo ring kinatawan ng unang distrito sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago Party.

"Niagi sya pagkacongressman,niagi ko pagkacongressman,makita sa tao ang binuhatan nya ang binuhatan nako, I dont have to explain more sa tao," ani Alvarez.

(Dumaan sya pagkacongressman, dumaan rin ako pagkacongressman, makita ng mga tao ang nagawa ko at ang nagawa nya, I don't have to explain more sa mga tao.)

Kasama rin ni Alvarez na nagfile ng CoC ang kanyang chief of staff na si Edwin Jubahib na tatakbong gobernador sa Davao del Norte.

Bise gobernador ni Jubahib si dating Tagum City Mayor Rey Uy.

"Nalipay ko sa mga tao nga nag endorso ka nako," ani Uy.

(Masaya ako sa mga tao na ang endorso sa akin.)

Noong Lunes ay nakapaghain na rin ng kandidatura ang magkapatid na Del Rosario.

Si Governor Del Rosario ay tatakbo bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao del Norte habang ang kapatid niya na si Board Member Rodolfo Del Rosario Jr. ay tatakbo bilang gobernador.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.