Cha-cha sa Kamara balak ipasa sa Disyembre, ipa-plebisito sa Pebrero

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 10:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gusto nang tapusin ng Kamara ang pagtalakay sa panukala nilang Charter change (Cha-cha) sa Disyembre upang maisalang ito sa plebesito pagsapit ng Pebrero 2019. 

Ayon kasi sa isang mambabatas, naka-Constituent Assembly (Con-Ass) mode na ang mababang kapulungan kahit pa walang balak makilahok ang Senado rito.

Sinimulan na ring talakayin sa plenaryo ang kanilang bersiyon ng draft Constitution noong isang linggo. 

Gayumpaman, pansamantala itong ibinalik ng plenaryo sa komite para baguhin ang kontrobersiyal na probisyon ukol sa line of succession na ineetsa-puwera ang bise presidente. 

TIMELINE NG KAMARA

Ayon kay Leyte Rep. Vicente Veloso, kung mapagbotohan sa Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 15 sa Disyembre, puwede nang magplebisito sa Pebrero.

Sa panahong ito, ani Veloso, ay puwede na ring idulog sa Korte Suprema kung dapat magkasama o hiwalay na bumoto ang mga senador at kongresista para makapagpadala ng amyenda sa isang plebisito.

Maaalalang tutol ang Senado sa joint voting dahil 24 lang ang senador habang halos 300 ang mga kongresista kaya't tila mawawalan umano ng saysay ang kanilang boto.

"Anybody can go to the Supreme Court by then because we have already started the Constituent Assembly on the side of the House," ani Veloso, na chairman ng House committee on constitutional amendments.

Dagdag naman ni Veloso, malabong ibalik ng Kamara ang binabatikos na pag-alis nila sa term limits ng mga elective officials.

Dagdag pa niya, 65 porsiyento din ng RBH No. 15 ay kinuha naman nila sa draft charter ng Consultative Committee na tinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
    
—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.