12 huli sa anti-drug ops sa Kamaynilaan

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 06:11 AM | Updated as of Oct 17 2018 06:38 AM

MAYNILA (UPDATE) - Arestado ang 12 katao sa magkahiwalay na operasyon kontra droga sa Kamaynilaan nitong magdamagag.

Unang nahuli ng mga pulis ang isang tricycle driver sa buy-bust operation sa Cubao, Quezon City. Nakuhanan ng 3 sachet ng hinihinalang shabu ang 35 anyos na suspek.

Dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek pero bumalik pa rin umano ito sa pagtutulak.

Sa Quezon City pa rin, naaktuhan sa isang drug session ang 3 katao sa Barangay Payatas.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang pulisya ng reklamo ukol sa ilegal na gawain.

Aminado ang may-ari ng bahay na ginagawa niya itong drug den. Nakuha sa kanila ang 3 sachet ng hinihinalang shabu.

Samantala, kalaboso naman ang isang ginang sa buy-bust operation sa Marikina City.

Nakumpiska sa 39 anyos na suspek ang 6 na sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Pasig City, timbog ang isang mag-asawa sa buy-bust operation.

Ayon sa pulisya, ikinasa ang operasyon sa tirahan mismo ng mga suspek. Nasamsam sa mag-asawa ang 3 sachet ng hinihinalang shabu.

Sa Pasig City pa rin, nasakote rin ng mga pulis ang 5 katao sa buy-bust operation sa Barangay Rosario.

Nakuha sa kanila ang 9 na sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat nina Fred Cipres, Lyza Aquino, at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.