3 patay sa police operation sa Cebu

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 09:31 AM

Nanlaban sa follow-up operation ng awtoridad ang tatlong suspek na una nang ikinanta ng mga nahuli sa buy-bust operation. Bukod sa kilalang drug pushers sa lugar, mga gun-for-hire din umano ang mga napatay na suspek.

TALISAY CITY, Cebu – Tatlo katao ang napatay sa operasyon ng Talisay City Police sa Sitio Mananga, Barangay Tabunok, Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang mga napatay na suspek bilang sina Ryan Mana-ay, Clifford Garcia Rabago at Norberto Larigo.

Ayon sa pulisya, ang tatlong ay pawang kilala umanong drug pushers sa lugar at gun-for-hire din.

Dagdag ng awtoridad na lumabas ang pangalan ng tatlo mula sa mga nahuli sa buy-bust operation Miyerkoles rin ng madaling araw.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation sa Sito Mananga kung saan nanlaban umano ang mga suspek.

Narekober sa crime scene ang tatlong baril ng mga suspek.

Wala namang nasugatan sa panig ng awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.