'Transport strike, may epekto sa ekonomiya'

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 08:50 PM | Updated as of Oct 18 2017 12:54 AM

Muling nagtipon ang grupong Piston nitong Martes para sa ikalawang araw ng kanilang kilos-protesta kontra jeepney modernization.

Ayon kay Cielo Magno, isang ekonomista, malaki ang epekto ng transport strike at magkasunod na pagsuspinde ng pasok sa ekonomiya ng bansa.

Paliwanag ni Magno, isa sa mga naging epekto ay ang paglaki ng gastos ng mga pasaherong umaasa sa murang pasahe sa jeep.

Napilitan umanong sumakay ang mga pasahero sa mas mahal na pampublikong sasakyan.

Apektado rin ang mga negosyo dahil hirap makapasok ang mga manggagawa.

Nagdulot rin ang protesta ng pagkaantala sa mga transaksiyon sa gobyerno.

"While a strike is a legitimate form of redress, it has significant economic impacts," ani Magno.

Hinaing ng mga drayber

Ipinapakita rin umano ng protesta na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang hinaing ng mga demonstrador.

Reklamo kasi ng maraming drayber at operator, lugi sila sa napakamahal na modernong yunit ng jeep dahil aabot ang presyo nito sa P1.2 hanggang P1.8 milyon.

Kung kukuwentahin, nasa P22,690 ang buwanang amortization.

Mas malaki ito sa halos P20,000 na buwanang kita ng ilang driver na nakapanayam ng ABS-CBN News.

Ayon naman sa Department of Transportation, may kikitain pa rin ang mga tsuper dahil mas marami ang maisasakay na pasahero sa modernong jeep.

Wala namang nakikitang problema ang ibang jeepney operator groups, gaya ng Pasang Masda, sa planong modernisasyon kaya hindi sila nakilahok sa tigil-pasada.

Cebu, tuloy ang pasok

Nahuling magpahayag ang Malacañang na walang pasok noong Lunes ng gabi.

Dahil huli ang anunsiyo, ilang paaralan tuloy sa Cebu ang nagpasiyang ipagpatuloy ang pasok.

Kabilang dito ang University of Cebu (UC), University of San Jose-Recoletos, University of the Philippines-Cebu, at Colegio dela Imaculada Concepcion.

Sinabi ni UC Chancellor Candice Gotianuy na nabulabog sila sa biglaang pahayag ng Palasyo.

"Please be informed that classes resume on Tuesday, 17 October. Malacañang's announcement of suspension came at 10:30pm, Monday. Too late to disseminate," ani Gotianuy sa isang Facebook post.

Kalahating araw naman ang ipinasok ng mga mag-aaral sa Colegio Del Santo Niño.

Ito'y para maiwasan umanong maantala ang kanilang mga talakayan lalo na't papalapit na ang semestral break.

-- Ulat nina Jacque Manabat at Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.