Suspek, huli nang balikan ang sasakyang pantakas

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 01:39 PM

Nakatakas na, bumalik pa.

Ito ang ginawa ng isa umanong magnanakaw matapos balikan sa tanggapan ng pulis ang sasakyang pinantakas nito nang tangkaing manloob sa isang bahay.

Alas-4 ng hapon nitong Lunes nang subukang looban ng suspek ang isang bahay sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City. Agad namang nakahingi ng tulong ang may-ari ng bahay sa mga taga-barangay.

Hinabol ang suspek at nagkatutukan pa ng baril.

Sa takot, hindi na nilapitan ng mga taga-barangay ang suspek at nakatakas ito gamit ang isang sasakyan na hindi kalauna'y inabandona ng suspek.

'Binalikan'

Nitong Martes ng hatinggabi, nagpunta ang isang lalaking kinilalang si Rico Eligino sa istasyon ng pulis at pilit na binabawi ang sasakyan.

Ayon kay Eligino, sumulat sa kaniya ang kaibigang kinilala niyang si "Badong," na siya umanong nanghiram ng kaniyang sasakyan.

Si Badong din ang itinuturo ni Eligino na nanloob ng bahay.

Magkamukha umano sila ni Badong kaya siya napagkamalan.

Subalit hindi ito pinaniwalaan ng mga pulis, lalo na't positibo siyang itinuro ng isang lalaki na siyang tinutukan niya ng baril.

Binuksan din ng mga Scene of the Crime Operatives ang sasakyan at nakita sa loob ang isang bolt cutter, bareta at dalawang pekeng baril.

Hinala ng mga pulis na napapabilang si Eligino sa grupo ng mga magnanakaw.

Nahaharap si Eligino sa kasong "grave threat" o pagbabanta at "trespassing" o panloloob.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.