Sanggol na iniangkas sa motorsiklo, patay sa aksidente

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 01:04 AM

NUEVA VIZCAYA - Patay ang isang sanggol matapos maaksidente ang motorsiklong sinakyan nilang mag-anak sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya nitong Linggo ng gabi.

Nangungulila ngayon si Jenny Velasco sa kaniyang dalawang buwang gulang na bunsong anak.

Kalong daw niya ito habang nakaangkas sa motorsiklo na minaneho ng mister.

Kasama rin nila ang panganay na anak na ihahatid lang sana sa bayan ng Bayombong.

Pero pagdating sa intersection ng Bintawan Road sa Barangay Poblacion North sa bayan ng Solano, sumalpok ang motorsiklo sa pick-up na papasok naman sa Washington Street.

“Hindi siguro napansin ng mister ko,” sabi ni Jenny.

Tumilapon ang mag-anak sa lakas ng pagbangga. Wala na rin daw nagawa si Jenny para maprotektahan ang anak pagkabagsak nito sa semento.

Sinawimpalad ang sanggol habang ginagamot sa ospital.

“Yung ulo niya, matindi ang tama, nag-crack yung bungo,” kwento ni Jenny.

Sumuko naman agad ang driver ng pick-up na si Luke Sarol, 62 taong gulang at isang magsasaka.

“Hindi ko naman ginusto yung nangyari,” giit ni Sarol na handa raw tumulong sa naaksidenteng pamilya.

Inamin ni Jenny na nakainom ang mister nang magmaneho, bagay na ayon sa pulis ay nakadagdag sa peligro na ginawa ng mag-anak nang magsiksikan sila sa motorsiklo.

“Isipin mo yung itsura nung driver na nakasakay na marahil dito sa tangke, talagang mawawalan ng control yun,” pahayag ni Police Chief Inspector Ignacio Layugan Jr.

Hinihintay na lang ng pulis ang pagharap ng magkabilang kampo para sa gagawing areglo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.