'Resbak sa pagkamatay ng mga lider ng Marawi siege, paghandaan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 01:32 PM

Matapos ang pagkapaslang ng dalawang lider ng Maute at Abu Sayyaf na pasimuno ng sigalot sa Marawi, pinayuhan ang militar at gobyerno na huwag maging kampante, bagkus ay lalo pang paigtingin ang operasyon laban sa terorismo. 

Ayon sa gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na si Mujiv Hataman, dapat magsilbing leksiyon ang naging pagkukulang ng militar bago ang pag-usbong ng Maute group. 

"Naalala mo nung namatay si ASG (Abu Sayyaf Group) leader Abdurajak Janjalani, akala natin wala na? Pero pumalit 'yung kapatid na si Khaddafy Janjalani. Pero nung namatay si Janjalani, akala rin natin wala na pero pumalit si Isnilon Hapilon," pahayag ni Hataman. 

Nagiging kampante umano ang militar at humina ang mga operasyon kaya nakabangon muli ang mga nasabing grupo. 

Dapat daw samantalahin ng pamahalaan ang "demoralization" na pinagdadaanan ng mga terorista sa pagkamatay ng kanilang pinuno at huwag tantanan hanggang mapulbos ang puwersa. 

"May panahon kasi na nung namatay ang mga lider nila, ang ginawa natin nag-lull ang ating kampanya...Ngayon ito, the more na dapat ituloy-tuloy natin habang nag-weaken 'yung leadership nila," ani Hataman. 

Gayumpaman, masaya ang gobernador dahil anumang oras ay maaari nang ideklarang "liberated" ang lungsod ng Marawi.

"Ang mahirap lang diyan kung maraming pang naka-prontang IEDs (improvised explosive device) na alam naman natin ito 'yung puminsala sa ating kasundaluhan," paalala ng gobernador. 

'Paghihiganti'

Sa panayam naman kay Propesor Julkipli Wadi, dekano ng Islamic Studies sa Unibersidad ng Pilipinas, bibilang lamang ng panahon bago makapili ang mga terorista ng bagong kikilalaning lider. 

"I think it's just a matter of time kung sino ang tatanghalin o kikilalanin nila bilang bagong lider," ani Wadi.

Isa pa umanong dapat bantayan ay ang mga kamag-anak ng 824 na teroristang napatay na maaaring sumapi sa teroristang grupo bilang paghihiganti. 

"How many potential individuals that could possibly become new recruits? Magiging mitsa ang [giyera sa] Marawi at ang pagkamatay ng mga lider ng Abu Sayyaf at Maute ng pagsanib nu'ng mga war victims," paliwanag ni Wadi.

Mas lalaki raw ang posibilidad ng pakikianib ng mga kamag-anak ng mga terorista kung hindi magiging maayos ang rehabilitasyon at polisiyang ipatutupad ng pamahalaan matapos ang giyera. --May ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.