Pump boat, tumaob sa Tacloban City; bata, nalunod

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 11:57 PM

TACLOBAN CITY - Nalunod ang isang apat na taong gulang na bata Martes ng madaling araw sa Anibong Bay sa Tacloban City.

Kinilala ang biktima na si William Lawrence Caillo, residente ng Barangay Ginbalot-an sa bayan ng Sta. Rita sa Samar.

Ayon kay Senior Inspector Edwin Cañamaque, deputy chief ng Station 2 ng Tacloban City Police Office, inarkila ng mga Chinese nationals ang pump boat ng ama ng bata na si Wilfredo Caillo mula sa seawall papunta sa barko na nakadaong sa Anibong Bay.

Pagdating sa may barko ay sabay-sabay umano na tumayo ang mga pasahero upang tumawid papuntang barko. Dahil dito, tumaob ang pump boat na ikinalunod ng batang sakay din dito.

Sinubukang iligtas ang bata ngunit patay na ito nang umabot sa ospital.

Inimbitahan sa police station ang pitong Chinese nationals para imbestigahan at napag-alaman na walang foul play sa pangyayari.

Napag-alaman rin na hindi rehistrado ang pump boat ni Wilfredo para magpasakay ng mga pasahero.

Tumangging magbigay ng pahayag ang ama ng biktima ngunit hiling laman nito na sana ay matulungan sila sa pagpapalibing sa kanyang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.