'Presyo ng tinapay, hindi na gagalaw hanggang katapusan ng taon'

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 08:33 PM

Siniguro na ng pamahalaan at mga panadero na mapapako na ang presyo ng tasty, Pinoy tasty, pandesal, at Pinoy pandesal hanggang Pasko at bagong taon. 

Tiniyak ng Federation of Philippine Bakers Association na hindi na gagalaw ang presyo ng tinapay hanggang katapusan ng taon basta huwag na tumaas ang presyo ng harina. 
    
“Hindi na dapat tumaas pa at wala nang posibilidad na tumaas [ang presyo ng harina]. Kung ito’y mangyayari, uulitin ko, maganda ang magiging presyo ng tinapay ngayong Kapaskuhan at puwedeng ipangako ng mga panadero na mananatili ito sa buong taon,” ani Chito Chavez, vice president ng pederasyon.

Pababa na rin anila ang presyo ng imported na trigo na ginagamit sa paggawa ng harina. 

Kasunod nito, humihirit ng rolbak sa harina at tinapay ang grupong Laban Konsyumer ni dating Department of Trade and Industry (DTI) undersecretary Vic Dimagiba. 

"Thus consumers are demanding a quick rollback of flour and bread prices prior to the August and September 2017 prices," pahayag ng Laban Konsyumer. 

Dapat din anila na ilabas ng DTI ang computation para ipakita kung may basehan ang nakaraang dagdag presyo sa harina at tinapay.

Pero ayon sa DTI, hindi sila maaaring magdikta ng presyo sa mga pamilihan. 

“Remember free market ito, we cannot impose prices,” ayon kay undersecretary Ted Pascua ng DTI. 

Bukod sa ilang brand ng hamon, wala na rin anilang paggalaw sa presyo ng noche buena products gaya ng pasta, fruit cocktail, at cream.

Sa kabila nito, maaaring magtaas ng presyo sa retail-level lalo na kung biglang magdagsaan ang mga consumer ilang araw bago magpasko.

“The retailers may take the opportunity kaya nga ang advice namin, sa ngayon pa lang bumili na,” ani Pascua.

Mainam din anila na hindi mabilisan ang pamimili para maikumpara ang presyo ng mga produkto at hindi lagay lang nang lagay ng bibilhin sa grocery basket.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.