Piston, kinompronta ang mga pumasadang jeepney drayber

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 05:29 PM

"Ang kakapal din ng mukha oh. Ang tigas ng leeg. Hindi makatingin...Hoy, mga kapwa ko driver, itigil niyo muna 'yan!" 

Iyan ang sigaw ng ilang nagpoprotesta sa kanilang kapwa jeepney drivers na ayaw lumahok sa transport strike. 

Mula sa apela hanggang sa pangongonsensiya, iba't ibang taktika na ang ginamit ng mga nagpoprotesta para makakuha ng suporta mula sa mga pumasadang drayber.

Ayon kay Carlos Visto, board member ng grupong Piston, mahalaga ang pakikiisa ng lahat ng jeepney driver para makamit ang hiling sa gobyerno na itigil ang implementasyon ng jeepney modernization program.

Masyado raw itong masakit sa bulsa, at pahirap sa mga driver.

Pero ang mga nagdadaang jeepney drivers, kibit-balikat lang.

Ayon kay Roy Mansanillo, kung sasama siya sa strike ay kailangan niyang abonohan ang P1,000 boundary ng minamanehong jeep.

Si Nilo Calida naman, naniniwalang wala ring kahihinatnan ang pagpoprotesta at itutuloy din ng pamahalaan ang plano nito, maski pa ilang beses magkaroon ng strike.

Nitong Lunes, sinabi na ng Palasyo na sa kabila ng oposisyon ng transport groups sa modernization ay ipatutupad pa rin ito.

'Hindi ramdam'

Bandang alas-5 ng umaga nagsimulang magtipon ang nasa isang dosenang jeepney driver sa Philcoa, Commonwealth, Quezon City.

Ang ilang pasahero na tulad ni aling Vilma Lema, hindi ramdam ang epekto ng strike, dahil sa suspensiyon ng klase at trabaho sa gobyerno.

Pinasinungalingan naman ito ng Piston at sinabing tagumpay ang transport strike na nilahukan umano ng 90% ng mga jeepney drivers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.