Pangangasul ng ilog sa Benguet, isinisi sa minahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 04:38 PM

Balik-normal na ang kulay ng ilog sa Dalisay Gumatdang sa bayan ng Itogon, Benguet pero bakas pa rin sa mga bato ang kulay asul na kemikal na dulot umano ng ilang minahan sa paligid. 

Nito lamang nagdaang linggo, nakuhanan ng retrato ng isang residente ang ilog na kulay asul ang tubig.

Ang ilang residente na trabahong maghanap ng ginto sa ilog, hindi nakapaghanapbuhay dahil sa asul na tubig na hinala nila ay may epekto sa katawan. 

Itinuturong pinanggalingan nito ang gilingan ng mineral sa taas ng ilog.

Pinabulaanan naman ito ng ilang nagtatrabaho doon na tumangging magpabanggit ng pangalan.

"Hindi ko masasabi. [Siguro] galing sa dumi ng lahat ng tao, pag nag-mix 'yung mga dumi, may mga ganu'n, baka may tinapong muriatic acid," anang isang trabahador.

Sa imbestigasyon ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), posibleng kemikal ito na itinapon sa ilog ng mga minahan.

"Interaction iyan ng cyanide at ferrous sulphate, pag nag-react 'yan, magkakaroon ng bluish color...I-contain na lang sana sa cell pond kasi ang cyanide naman may property 'yan, once na naaarawan 'yan palagi, ang concentration niyan, bumababa," paliwanag ni Engr. Alfredo Genetiano, hepe ng Mine Management Division ng MGB-Cordillera Administrative Region.

Hinihintay ngayon ang resulta ng pagsusuri sa water sample.

Naglabas na rin ng stoppage order ang MGB sa walong maliliit na minahan at mineral processing plants sa Barangay Gumatdang, dahil walang permit ang mga ito.

Makakabalik lamang sila sa kanilang operasyon kung makapagsumite na ng mga requirement para mabigyan ng kaukulang permit. --Ulat ni Mae Cornes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.