Mga bakwit galing sa Marawi City, umaasang makakauwi na

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 11:09 PM

DAVAO CITY - Tatlong buwan nang bakwit sa Davao City ang pamilya ni Casan Camid, sa takot na madamay sa giyera sa kanilang lugar sa Marawi City.

Kaya nang inanunsyo ng Armed Forces of the Philippines na patay na ang lider ng Abu Sayyaf na si Isnilon Hapilon at isa sa mga lider ng Maute Group na si Omar Maute, umaasa silang matatapos na ang gyera sa Marawi at makakauwi na sila sa kanilang lugar sa lalong madaling panahon.

“Sana magkaisa na ang gobyerno, mga sibilyan at grupo ni Hapilon para peaceful na lahat," aniya.

Nanawagan din sila na sana ay sumuko ang mga naiwang kasamahan ng teroristang grupo para matigil na ang kaguluhan sa Marawi.

Si Casan Abanol, nahirapan sa kanilang kalagayan sa pagbakwit sa Davao lalo na wala silang kabuhayan sa Davao hindi tulad sa Marawi.

"Nagtrabaho nlang yong anak ko sa DCLA. Ang importante na-save ko yong pamilya ko," aniya.

Karamihan sa mga bakwit gusto nang bumalik sa Marawi kaya ipinagdadasal nilang sana matigil na ang gyera at ma-lift na ang ipinatupad na Martial Law ni Presidente Rodrigo Duterte.

Base sa record ng Davao City Social Services and Development Office, 479 na pamilya ang lumikas sa Davao City galing sa Marawi.

Halos silang lahat tatlong buwan na sa Davao City mula nang umusbong ang gyera sa Marawi noong Mayo 23 nitong taon.

Samantala, laking pasalamat nang mga evacuees matapos inanunsyo ni Duterte, Martes ng hapon, na ligtas na sa mga terorista ang Marawi City. Kaya positibo sila na hindi magtatagal, makaka-uwi na sila sa kanilang lugar na winasak ng gyera dahil sa pagtugis sa mga teroristang grupong Maute.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.