'Liberation' idineklara ni Duterte sa Marawi pero 'tuloy ang laban'

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 02:49 PM | Updated as of Oct 18 2017 01:23 AM

Inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Martes, Oktubre 17, ang paglaya ng Marawi City mula sa mga terorista, isang araw matapos mapaslang ang mga itinuturing na pasimuno ng sigalot sa lungsod, at sa kagitna ng mga huling labanan para tuluyang mapalayas ang mga armado roon. 

"Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from terrorists," pahayag ni Duterte sa kanyang ikapitong pagbisita sa Marawi. Ito ay makaraan ang isang araw ng kompirmasyon ng pagkapaslang kina Omar Maute at Isnilon Hapilon, ng mga grupong Maute at Abu Sayyaf na siyang sinisisi sa pagkubkob sa Marawi. 

Kasabay ng deklarasyon ni Duterte ang pagtataas ng bandila ng Pilipinas at pag-awit ng Lupang Hinirang sa lugar. 

Kinamayan din ni Duterte ang mga sundalong nakipaglaban sa mga terorista. 

Nasa 148 araw na ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng grupong Maute na sinasabing Isis-inspired, o kumukuha ng inspirasyon o nanggagaya sa grupong Islamic State ng Syria. Kasama nila si Hapilon sa isang video na nagpapakita ng pagpaplano sa pagkubkob sa Marawi. 

Wala pang anunsiyo kung tatapusin na rin ang martial law sa Mindanao na idineklara matapos pumutok ang gulo, at nakababa sa buong isla hanggang katapusan ng taon. 

'Tuloy ang giyera' 

Sa panayam naman sa ANC, nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Maj. Gen. Restituto Padilla na tuloy pa rin ang giyera sa maliit na bahagi ng Marawi.

Ani Padilla, may 20-30 pang natitirang armado o "stragglers," kabilang dito ang anim hanggang walong banyagang terorista. 

Ang anunsiyo ni Duterte, paliwanag ni Padilla, ay nagsisilbi lamang hudyat na maaari nang "simulan" ang rehabilitasyon sa lungsod. 

"The declaration of the President hopefully gives way to the entry and the start of the rehabilitation, reconstruction, and rebuilding of Marawi from the ashes...this is why the declaration has been made," paglilinaw ni Padilla.

Ayon pa sa tagagsalita ng AFP, bibilang na lamang ng panahon bago mapulbos ang natitirang terorista dahil sugatan na ang mga ito. 

"There is no way that they can get out anymore...so choking them to death will be very easy for our troops to do since the area is very much contained and controlled." 

Hindi tulad ng dati, wala na umanong kontrol ang mga terorista sa mga lugar dahil halos nagiba na ang mga gusaling kanilang pinagtataguan. 

Dr. Mahmud Ahmad

Samantala, sinabi rin ni Padilla na walang kakayahan si Dr. Mahmud Ahmad, isang Malaysian, na pamunuan ang natitirang mga terorista, salungat sa opinyon ng ilang security experts.

Ayon kasi sa mga ito, si Ahmed ang itinuturing na ikalawang pinakamataas sa hanay kasunod ng napaslang na si Hapilon.

Pero para sa militar, hindi maituturing na banta si Ahmed tulad nila Hapilon at Maute. 

"Dr. Mahmud is an academic. He is not a fighter. And his experience in fighting is not as extensive as anyone like Hapilon or the Maute brothers. Hence, his ability to tactically lead the fight is not there essentially," paliwanag ni Padilla. 

Si Mahmud ang sinasabing nagpondo sa Marawi siege.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad sa Malaysia na nakalabas na ng Pilipinas si Mahmud, ngunit ayon naman sa AFP, may indikasyon na nasa Marawi pa rin ito. 

Rehabilitasyon, hindi agaran

Isa pang nilinaw ni Padilla ay ang pagsisimula ng rehabilitasyon sa Marawi.

Ani Padilla, hindi pa pupuwedeng pumasok sa lungsod ang mga rebuilding equipment tulad ng bulldozer.

"There is still an assessment to be made and the assessment team will have to do their work first before any rebuilding starts," giit ni Padilla. 

Inayunan naman ito ni Maria Perpetua Bulawan, team leader ng "Task Force Bangon Marawi" ng Department of Social Welfare and Development. 

"We believe that there will still be a lot of clearing operations that will have to be done and it's not that immediate that the IDPs (internally displaced persons) can come back." ani Bulawan.

Sanabi ni Bulawan na nasasabik na ang mga dating residente ng Marawi na bumalik sa kanilang tahanan.

Aniya, mahabang panahon ang bibilangin bago maibalik sa normal ang komunidad sa Marawi, kaya't may hinanda silang "transit shelter" habang isinasaayos ang lungsod. --May ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.