Lalaking nakainom, nakabundol ng babae sa Sta. Cruz

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 09:43 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang babae matapos masagasaan ng isang kotse sa Sta. Cruz, dakong alas-2 Martes ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Dianne Viesca, 27, na tumatawid sa northbound lane ng Rizal Avenue nang mabangga ng humaharurot na kotse.

Nakunan ng CCTV ng Barangay 334 ang insidente. 

Ayon sa driver ng nakabanggang kotse na si Jeremy Ayat, 41, galing siya sa isang birthday party at bahagyang nakainom ng alak ng madaling araw na iyon.

Hindi umano n'ya agad napansin ang biktima kaya hindi na rin siya nakapreno. Tumilapon na lang sa windshield ng kotse ang biktima na siya namang nagtamo ng sugat sa ulo.

Walang malay ang biktima nang itinakbo sa Metropolitan Hospital samantalang nasa kustodiya na ng Manila Traffic Bureau ang nakabanggang driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.