Jeepney ops normal sa Kamaynilaan sa kabila ng strike: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 10:47 AM

MANILA - Normal ang biyahe ng mga jeepney sa malaking bahagi ng Metro Manila sa kabila ng ikalawang araw ng transport strike ng grupong Piston, iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Martes. 

Sinuspinde sa ika-2 sunod na araw ang klase at trabaho sa pamahalaan dahil sa strike na layong tutulan ang plano ng pamahalaan na modernization program, kung saan ipagbabawal ang mga jeep na 15 taon nang pumapasada. 

Naghanda ang pamahalaan ng nasa 70 bus para magsakay ng mga commuter na maaapektuhan ng protesta.sa Kamaynilaan. 

Pero hanggang dakong alas-8 ng umaga, 8 bus pa lang ang kinailangang i-deploy para sa nasa 300 pasahero, sabi ni LTFRB spokesperson Atty. Lizada. 

Dalawa aniyang bus ang ipinadala sa Baclaran, Maynila habang 6 ang nagsakay ng mga pasahero sa E. Rodriguez Avenue sa Quezon City. 

"All the rest of Metro Manila, normal po ang operations ng mga jeepneys. All 6 transport groups po ay on the road po ang kanilang mga miyembro," ani Lizada. 

Binanggit din ni Lizada na nitong Lunes, 32 bus lang ang na-deploy para sa nasa 1,500 pasahero, na wala pa aniya sa 1 porsyente ng kabuaang 10 milyong mananakay sa rehiyon. 

Nagsimula nang magtipon ang mga miyembro ng Piston sa Aurora-Cubao, Philcoa at Commonwealth Avenue sa Quezon City gayundin sa Monumento sa Caloocan. 

LAGAY SA MGA LALAWIGAN

May nakaantabay ring sasakyan na magbibigay ng libreng sakay sa mga probinsya, ani Lizada. 

Sa Davao City, sinabi ng pulisya na ihahatid nila ang maiistranded na pasahero. Nagpadala naman ang city government ng 37 bus para sa mga stranded na pasahero nitong Lunes. 

Ayon kay Lizada, umagapay rin ang mga lokal na pamahalaan sa mga commuter na naistraded nitong Lunes sa Angeles City, Pampanga at Davao Region. 

Nakapagtala rin ang LTFRB ng mga protesta sa San Pablo, Laguna; Cebu City; Tacloban, Leyte at General Santos City. 

Binabantayan ng LTFRB ang posibleng pamimilit ng Piston sa mga kapwa operator at driver na sumali sa pagpapatuloy ng tigil-pasada, ayon kay Lizada. 

May ulat nina Kristine Sabillo, Jeff Hernaez, Vivienne Gulla at Hernel Tocmo, ABS-CBN News