Ilang bahay sa Iloilo, nasisira sa patuloy na pagguho ng lupa

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 02:21 PM

Problemado ang ilang residente ng Zone 7, Cabugao Sur, Iloilo dahil sa patuloy na pagguho ng lupa sa kanilang lugar.

Isa lang ang pamilya Malones sa mga residenteng apektado ng pagguho na nagdulot din ng uka sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. 

Kuwento ng mag-anak, bumigay ang kanilang kusina at banyo kasabay ng pagguho ng lupa.

Umalis na sa bahay ang iba pa nilang kaanak sa pangambang tuluyang lalamunin ng lupa ang kanilang ari-arian.

Lumalaki pa raw kasi ang uka sa lupa na nagsimula noon pang Linggo, Oktubre 15.

Nananawagan sila sa mga awtoridad na siyasatin at alamin ang sanhi ng pinaniniwalaang sinkhole.

Sana rin daw ay mabigyan sila ng rekomendasyon kung kailangan na ba nilang tuluyang lumikas sa lugar dahil sa patuloy na pagguho ng lupa. -- Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.