Ginang sinaksak ng kapitbahay sa sementeryo

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 09:43 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang 47-anyos na ginang nang saksakin ng kanyang kapitbahay sa Roman Catholic Cemetery sa Pasay City, Martes ng umaga.

Nagtamo ng saksak sa kaliwang braso si Pinky Conquilla na nakipag-alitan muna sa kapitbahay na si Cristito Bayting tungkol sa pagiging parking attendant sa sementeryo. 

Una munang pinagbintangan ni Bayting ang anak ni Conquilla na namato sa kanilang bahay, hanggang sa uminit ang alitan at nauwi sa pananaksak. 

Sabi sa mga pulis ni Conquilla, balisong ang pinansaksak sa kanya pero giit ni Bayting, tinidor lang na ginawa niyang improvised brass knuckle ang nakasugat sa ginang. 

Nakakulong ngayon sa Pasay Police Station si Bayting, na hindi nagsisisi sa kanyang ginawa dahil talaga aniyang masama ang ugali ni Conquilla.

Sabi naman ni Conquilla, pinag-iinitan lamang silang mag-ina ni Bayting dahil magkakompetensiya sila sa trabaho sa sementeryo. 

Maaaring humarap sa kasong attempted homocide si Bayting, ayon sa pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.