Binatilyo nalunod sa Colorado Falls, Benguet

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 05:03 PM

Natagpuan ang labi ng binatilyo bandang alas onse ng umaga, Martes. Retrato mula sa Tuba Philippine National Police.

Nalunod ang isang binatilyong turista sa Colorado Falls, Benguet nitong Lunes.

Kinilala ang binatilyo bilang si Brosnan Alec Nunez, 19, na isang estudyante sa Adamson University.

Ayon sa imbestigasyon, unang pupuntahan ng magkakaibigan ang Baguio City pero nahanap nila ang Colorado Falls sa internet.

Sa kanilang magkakaibigan, dalawa lang umano ang lumangoy sa talon.

Lunes ng hapon nang magsimula ang search and retrieval operations para sa dalawang magkaibigan.

“Allegedly nagswimming yung dalawa, nagikot sila dun, nung pangalawang ikot, hindi nakayanan ng biktima. Yung tubig dun malakas yung current, hindi nakaya, as per sa divers, talagang nararamdaman nilang malakas,” ani Chief Insp. Andres Calaowa, hepe ng Tuba Police.

Natagpuan ang labi ni Nunez bandang alas onse ng umaga, Martes.

Tumangging magbigay ng pahayag ang kanyang mga kaibigan at tiyuhin.

Ayon sa mga residente sa lugar, kada taon ay may naluluod sa Colorado Falls. Lahat ng biktima ay dayuhan habang karamihan ay lalaki.

Dahil sa dami ng nalulunod, ipinasara ito ng lokal na pamahalaan noong 2013, pero hindi raw umano nakita ng grupo ni Nunez ang karatula nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.