Bagong traffic scheme ipatutupad sa Marcos Highway simula Oktubre 18

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 02:57 PM | Updated as of Oct 17 2017 03:19 PM

Upang maibsan ang lumalalang trapiko sa Marcos Highway sa Marikina-Rizal area, ipagbabawal na ng MMDA ang pagkuha ng pasahero sa mismong main road simula bukas ng tanghali.

Partikular na ipagbabawal ang pagsakay ng mga pasahero sa tapat ng Robinsons Metro East at Sta. Lucia East Grand Mall na nasa tabing-tabi lamang ng highway. 

Gagawin namang access road ang unang kanto sa gilid ng Robinsons Metro East para sa mga jeep at UV Express. Diretso na ito sa gagawing bagong loading bay sa kabilang gilid din ng mall.

Samantala, pumayag rin umano ang pamunuan ng Sta. Lucia na padaanin sa kanilang driveway ang mga sasakyan na patungong Cainta at Taytay.

Ayon kay Jojo Garcia, assistant general manager for planning ng MMDA, pangunahing dahilan ng mabigat na trapiko sa lugar ang ginagawang LRT extension. 

Isa ang Marcos Highway sa mga pangunahing kalsadang dinadaanan ng mga taga-Rizal at Marikina paluwas at pabalik ng Metro Manila araw-araw.