300 Lumad mula Davao, nais maging sundalo

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 11:28 PM

Nasa 300 Lumad ang sasabak sa pagsasanay bilang maging sundalo. Claire Cornelio, ABS-CBN News

COMPOSTELA VALLEY- Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, 300 Lumad ang sasabak sa pagsasanay bilang maging sundalo.

Nitong Martes, binuksan ang Indigenous People Candidate Soldier Course sa 10th ID Headquarters sa Mawab Compostela Valley.

Kabilang sa mga Lumad na gustong magsundalo ang 41 anyos na Obo Manuvo na si Datu Manuel Duyan Jr.

Aniya, nais niyang makatulong sa mga kapwa niyang Lumad.

"Gusto kong makatulong sa mga kapatid kong Lumad na di sila maengganyo sa mga taga-kabila. Dahil kalimitan iniengganyo ng taga-kabila na sumanib sa kanila dahil mababa lang ang aming alam," aniya.

Mula naman sa tribong Ata Manuvo si Datu Hermel Badol na siyang pinakamatanda sa candidate soldiers.

"Gagawin kong halimbawa ang aking sarili bilang sundalo sa mga katribu ko na sa pamamagitan ng aking gagawin susundin nila ako sa pananaw ko sa bayan," aniya.

Sa loob ng dalawang buwan, isasailalim sa basic military training, weapons training, survival skill at iba pa ang mga Lumad na gustong magsundalo.

"We go to the far-flung areas, provide basic services, maganda kasi na nangyayari dito is we get people involved," ani 10th ID assistant division commander Brig. Gen. Bienvenido Datuin Jr.

"Ito ay konsepto na rin ng ating kapatid na tribal groups sa supreme tribal council [bilang] solusyon to end and fight against insurgency," dagdag niya.

Kasama ng mga Lumad sa pagsasanay ang 150 na mga sibilyan.

Makakatangap ng basic pay na P15,000 ang mga magtatapos sa candidate soldier course.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.