2 lalaking nakunan ng armas, arestado

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 09:45 AM

Ang Caspian na baril na nahuli mula sa suspek na si Jimmy Tayapad Tolentino.

DAVAO CITY – Dalawang lalaki ang naaresto matapos na mahulian ng mga armas linggo ng gabi sa Davao City.

Nahuli ng Buhangin Police Station ang 44-anyos na si Jimmy Tayapad Tolentino matapos makuha sa kanya ang isang Caspian .45 caliber pistol, magazine at 4 na bala.

Sakay si Tolentino ng kanyang sasakyan nang mabilhan ng armas ng pulis na nagpakilalang buyer.

Base sa imbestigasyon, matagal nang minamatyagan ng pulisya si Tolentino dahil sa di umano’y talamak na pagbebenta nito ng baril sa kanilang lugar sa Buhangin at maging sa Davao del Norte.

Depensa ni Tolentino, hindi siya sangkot sa pagbebenta ng armas at napag-utusan lamang siya na ihatid ang baril at mga bala.

Samantala, naaresto rin ng Toril Police Station si Joel Aldabe Jaducuna, 26 anyos, matapos maharang sa checkpoint ng Barangay Sirawan dahil nakunan ng isang .9mm Luger Colt MK IV Series 80 at anim na bala.

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms ang dalawang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.