15 pulis, pinasisibak dahil sa droga, kotong

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2017 01:12 AM

Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na sibakin ang 15 pulis bilang bahagi ng kampanya ng PNP na linisin ang hanay nito.

Idinadawit ang 15 pulis sa pangongotong at pagbebenta ng droga.

Pebrero 13 nang mahuli ng PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF) sina SPO1 Rodito Magluyan at PO3 Roel Candelario ng Manila Police District Station 9.

Nangingikil umano ang dalawa sa mga dumaraang motoristang pinalalabas ng mga pulis na may paglabag sa batas trapiko.

Sina Magluyan at Candelario ang buena manong kaso mula nang ilunsad noong Pebrero 6 ang CITF na nangunguna sa paglilinis ng hanay ng PNP.

Noong Mayo 10, kinasuhan ng PNP CITF ang apat na pulis sa Makati dahil din sa pangingikil.  

Puwersahan umano nilang dinala ang isang lalaki at ang kaniyang kasintahan at kinikilan ng P400,000.

Mayo 17 naman nang mapasugod ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa sa istasyon ng pulis sa Teresa, Rizal kung saan nakakulong si PO1 Fernan Manimbo. 

Inaresto si Manimbo ng Drug Enforcement Unit bago niya maihatid ang tinatayang P200,000 halaga ng 20 pakete ng shabu.

Kabilang ang mga nabanggit na pulis sa ilang makatitikim ng internal cleansing program ng PNP.

Inirekomenda ni Atty. Alfegar Triambulo ng PNP-IAS kay Dela Rosa ang pagsibak sa mga pulis na umano'y umabuso sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Pag-imbestiga sa mga kasong 'riding-in-tadem'

Samantala, magsasagawa ng special performance at audit inspection ang PNP-IAS sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at Gitnang Luzon.

Titingnan ng PNP kung tunay bang iniimbestigahan ng mga sangay nila ang mga kasong "homicide-under-investigation" o iyong mga pinapatay ng riding-in-tandem.

Batay sa datos ng PNP, ang mga rehiyong nabanggit ang nagtala ng may pinakamaraming kaso ng "homicide-under-investigation."

Unang sisiyasatin ang Caloocan dahil sa dami ng naiulat na iregularidad doon.

Nais din ng PNP na malaman kung sino ang nasa likod ng mga patayan sa kasagsagan ng giyera kontra droga.

Kung mapatutunayang hinayaang nakatengga lang ang mga kasong nasa ilalim ng kategoryang "homicide-under-investigation", maaaring humarap sa kasong "serious neglect of duty" ang mga hepe, district, regional, at provincial director ng mga sisiyasating lugar. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.