Dalawa ang arestado sa entrapment operation na ikinasa ng Anti-Red Tape Authority at Criminal Investigation and Detection Group nitong Biyernes sa Land Transportation Office sa Las Piñas City. Larawan mula sa Anti-Red Tape Authority
MAYNILA— Arestado ang isang hinihinalang fixer ng driver's license at umano'y kasabwat nito na staff ng Land Transportation Office sa Las Piñas matapos ang isinagawang entrapment operation ng Anti-Red Tape Authority at Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group nitong Biyernes sa nasabing lungsod.
Ayon sa ARTA at CIDG, nakakuha sila ng intelligence report na may ilegal na ginagawa ang isang babae na may-ari ng isang insurance firm. Ang babaeng ito ay may kontak umano sa loob ng LTO na sinasabing support staff ng ahensya.
Nag-aalok umano ang dalawa ng "sure pass" scheme kung saan siguradong mapapasa ang lahat ng gustong ma-convert ang non-professional driver's license sa professional driver's license.
Sa halagang P4,500, mage-exam umano ang aplikante pero hindi na ipapasa ang sagot at sasabihin na nasira ang computer nila, o 'di kaya ay kalahati lang ng exam ang ipapasagot. Pagkatapos ay ipapasa na lang sila. Ang tunay na halaga ng exam ay P425 lamang.
Nahuli sa LTO Las Piñas ang 59 anyos na lalaking staff ng LTO at ang babaeng suspek na 54 anyos.
Naghain rin ng show cause order ang ARTA kay LTO Las Piñas Chief Transportation Regulation Officer Joselito Luarca para magpaliwanag tungkol sa mga violation ng opisina.
Nakiusap rin si ARTA Director General Secretary Jeremiah Belgica sa mga opisyal ng gobyerno na siguraduhing walang nakikipag-kuntsabahan sa loob ng mga ahensiya.
RELATED VIDEO:
Criminal Investigation and Detection Group, LTO fixer, fixer, LTO, Las Pinas City