P4-M halaga ng droga, nasabat sa buy-bust ops sa Makati, Pasay

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2021 08:52 AM

MAYNILA— Arestado ang anim na drug suspek sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Makati at Pasay City kung saan aabot sa P4-milyon ang halaga ang mga nakuhang hinihinalang droga.

Unang nahuli ang tatlong lalaki at isang babae sa Barangay Rizal sa Makati, Biyernes ng gabi. Nakabili umano ang isang operatiba sa mga suspek ng P80,000 halaga ng marijuana. 

Matapos ang bentahan, inaresto agad ang apat na nakuhanan ng 16 bricks ng suspected marijuana na nakabalot sa plastic. Aabot sa 17 kilo ang mga ito at may tinatayang halaga na P2-milyon. 

Sa Pasay naman, nagkasa rin ng buy-bust operation ang Philippine National Police Drug Enforcement Group sa Roxas Boulevard service road. 

Huli ang isang lalaki at isang babae na nagtutulak umano ng droga. Nakuha sa kanila ang nasa 300 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon. 

Sa kabuuan, nasa P4 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang droga. 

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.