Pulis huli sa pagmamaneho ng nakaw na sasakyan

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2020 06:50 PM

Ang sasakyan daw ay ninakaw "at gunpoint" o tinutukan ng baril ang driver nito. Screengrab

MAYNILA — Hinuli ng mga tauhan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang kapwa nila pulis matapos itong mabuking na nagmamaneho ng umano'y nakaw na sasakyan. 

Ayon sa hepe ng PNP-HPG-National Capital Region na si Col. Wilson Doromal, kinilala ang suspek na si Police Master Sgt. Danilo Pacurib.

Minamaneho umano ni Pacurib ang isang Hyundai Sta. Fe nang mahuli ito sa Commonwealth Avenue.

"Naispatan sila sa Commonwealth and upon verification sa VIMS (Vehicle Information Management System) ay nag-positive siya, stolen. Nalaman namin na isa siyang member ng kapulisan," sabi ni Doromal.

Ayon kay Doromal, ang sasakyan daw ay ninakaw "at gunpoint" o tinutukan ng baril ang driver nito. 

Hindi pa malinaw kung paano napasakamay ni Pacurib ang nakaw na sasakyan. 

Sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang pulis na si Pacurib.

—Mula sa ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.