PhilHealth accreditation ng 3 ospital sa Region 12, binawi

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 12:54 PM

GENERAL SANTOS CITY – Tatlong ospital ang tinanggalan ng PhilHealth accreditation matapos na masangkot umano sa “fraudulent activities.”

“Kung ano yong pinirmahan nila doon sa tinatawag nating performance commitment, so may agreement tayo sa kanila,'yon ang tinanggal natin. Kasi ang accreditation ay hindi right, kundi isang privilege,” pahayag ni Dr. Antoniette Ladio, acting regional vice president ng PhilHealth Regional Office 12.

Sa inilabas na public advisory ng PhilHealth sa Region 12, ang pagkakabawi sa accreditation ng Dr. Arturo P. Pingoy Medical Center at Allah Valley Medical Specialist Center Incorporated na nakabase sa Koronadal City, South Cotabato at pag-suspend naman sa GenSan Doctors Hospital simula October 21 hanggang April 17, 2020 ay naging epektibo Oktubre 10, 2019.

Ayon sa PhilHealth, ang pagkakadawit sa umano’y 'fraudulent activities' ang nagtulak sa kanila para maglabas ng writ of execution at notices ng withdrawal o revocation ng accreditation.

Dagdag ng PhilHealth, dumaan sa tamang proseso ang lahat at na notify ng maayos ang mga nabanggit na ospital sa umano'y may mga pekeng claims pero nabayaran ng milyun-milyon ng PhilHealth.

"Masakit din sa amin na nawawaldas pala ang pera ng PhilHealth. We are talking here of billions dahil lang may mga iba tayong hospitals na hindi sumusunod sa mga patakaran at mga guidelines na binibigay ng PhilHealth,” pahayag ni Dr. Ladio.

Sa opisyal na pahayag ng Dr. Arturo P. Pingoy Medical Center, humingi sila ng paumanhin sa kanilang mga pasyente sa abalang idinulot ng biglaang pagbawi ng PhilHealth sa kanilang accreditation.

"We will do our best to keep the hospital cost reasonably low so as not to burden further the patients and their families,” pahayag ni Dr. Nanette Franco, medical director ng Dr. Arturo P. Pingoy Medical center.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang Allah Valley Medical Specialist Incorporated pero naglagay na sila ng notice sa labas ng ospital na nag-aabiso sa mga pasyente na hindi na sila PhilHealth accredited.

Ayon naman sa GenSan Doctors hospital, ginagawa nila ang lahat ng paraan para i-apela ang desisyon ng PhilHealth.

"We are still hoping for a recall of the non-coverage so all patients can continue to have access to quality health service whenever they need it,” pahayag ni Dr. Daniel Yap, ang presidente ng GenSan Doctors Hospital Inc.

Pinaghahandaan naman ng Philippine Hospitals Association sa Region 12 ang pagdagsa ng mga pasyente sa iba pang ospital. Ang problema, magpapalala sa congestion rate ng mga ospital ang pagtanggal ng accreditation sa tatlong ospital sa Region 12.

"It will really worsen. So, anong mangyayari ngayon? Pupunta sa ibang ospital, pupunta sa amin pero punong-puno din kami. It's even a worse scenario when the locality doesn't have enough hospital beds. We are happy for the new hospitals opening but sino ba sini-serve nila, 'yong mga pasyente lang na may pera. I hope PhilHealth will reconsider this situation right now,” pahayag ni Dr. Renato Diagan, presidente ng PHA12.

Giit ng PhilHealth, hindi basta-basta nilabas lang ang desisyon. Isinaalangalang din nila ang kapakanan ng kanilang mga miyembro pero kailangan ding protektahan ng ahensiya ang pondo nila.

Sa Region 12, mahigit sa 600,000 ang kanilang miyembro at tinatayang 5 porsyento nito o nasa 30,000 miyembro ang apektado sa pagtanggal ng PhilHealth accreditation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.