'Paggamit ng double decker bus sa EDSA magastos, delikado'

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 07:38 PM | Updated as of Oct 16 2019 10:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tutol ang ilang transport groups at mga eksperto sa suhestiyong dagdagan ang mga double-decker bus na bumabaybay sa EDSA dahil magastos at delikado umano ito. 

Kasunod ito ng pinalutang na mungkahi ng grupo ng mga negosyante na palitan ng mga double-deck bus ang ilang mga bus para mapabuti ang lagay ng trapiko sa kalsada. 

Ayon kay Juliet De Jesus, tagapagsalita ng Samahang Transport Operators ng Pilipinas, delikado ang paggamit ng mga double-decker lalo’t may mga bus na mahilig mag-overtake sa kalsada.

"Alam naman natin ang mga bus driver natin mga reckless, konting overtake lang nyan pwedeng matumba. Accident prone talaga," aniya. 

“High maintenance pa mga yan. Yung gulong mo na magagamit mo ng limang buwan, magiging dalawa na lang.” 

Tingin niya rin na pagkakakitaan lang ng mga nagmumungkahi ang pagsasagawa nito. 

“Sana ang totoong iniisip ng mga negosyanteng yan ay ang makatulong talaga sa mga mananakay. Kasi sila ang mag iimport ng mga bus na yan eh so sila ang kikita,” ani De Jesus. 

Maaari rin aniyang maapektuhan ang kinikita ng mga bus operators, drivers, at mga konduktor, at mapapabagal pa raw nito ang daloy ng trapiko sa EDSA. 

Sa kanilang tantiya, 2 hanggang 3 city bus ang matatanggal apra ma-accomodate ang isang double decker na bus. 

Hindi rin sang-ayon ang traffic management consultant na si Rene Santiago sa mungkahi, lalo na kung kakailanganin pang bumaba ng mga pasahero mula sa ikalawang palapag ng sasakyan. 

“Pag nagbabaan at sakayan ang mga pasahero, kakain ng oras yan, so magko cause pa rin ng traffic,” ani Santiago. 

Huling ginamit ang mga double decker noong 1980 pero hindi ito pumatok dahil mahal ang operational costs.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.