Mag-asawang guro, nakaligtas sa pamamaril sa Bukidnon

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 07:27 PM | Updated as of Oct 16 2019 07:47 PM

Nagpapagaling na ngayon sa pagamutan ang gurong si Zhaydee Cabañelez matapos pagbabarilin. Larawan mula sa Alliance of Concerned Teachers

Nakaligtas ang mag-asawang guro sa pamamaril habang nasa loob ng kanilang classroom sa Dalit Elementary School sa Valencia City, Bukidnon, Martes ng umaga.

Nagpapagaling na ngayon sa ospital ang gurong si Zhydee Cabañelez na nagtamo ng tama sa balikat, binti at paa.

Hindi naman nagtamo ng tama ang head teacher ng paaralan at mister ni Zhydee na si Ramil Cabañelez.

Nasa loob ng multi-grade classroom ang mag-asawa kasama ang ilang mag-aaral nang paulanan sila ng bala.

"Nakapagtago ako sa mesa. Habang ang mga bata naman ay nagtakbuhan sa loob ng CR at sa ilalim ng kanilang upuan," sabi ni Ramil.

Mabilis na tumakas ang armadong lalaki at tatlo pang kasamahan nito sakay ng dalawang motorsiklo.

Suspetsa ng pulisya, miyembro ng New People's Army ang mga namaril.

"Nagpakilala na namaril na tagabundok. We are narrowing down our investigation on the involvement of rebels in the area. Hopefully, we will be able to narrow down kung sino talaga ang mga responsable," sabi ni P/Lt. Col. Surki Sereñas, hepe ng Valencia Police Station.

Walang mag-aaral ang nadamay sa pamamaril.

Sa kabila nito, magsasagawa pa rin ng psychological debriefing ang Department of Education sa mga bata para mawala ang trauma na kanilang dinanas nang matunghayan ang pangyayari.

Samantala, kinondena naman ng grupong Karapatan ang pag-atake kay Zhaydee na aktibong miyembro umano ng Alliance of Concerned Teachers.

"Karapatan strongly condemns this targeted attack against Cabañelez amid the worsening attacks against members of progressive organizations," sabi ng grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.