Ilang parte ng Mindanao niyanig ng magnitude 6.3 na lindol

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 09:48 PM | Updated as of Oct 16 2019 10:54 PM

Pinsala naitala sa ilang parte ng Mindanao
Phivolcs tiniyak na walang banta ng tsunami
Bata patay, 2 sugatan sa Tulunan, Cotabato

Kasunod ng lindol, bumigay ang ilang pader ng Cor Jesu College sa Digos City, Davao del Sur matapos ang lindol. Photo Courtesy, Anthony Syngcoc

MAYNILA (UPDATE)—Niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang North Cotabato at ang mga karatig-lugar nito, gabi ng Miyerkoles, ayon sa Philvolcs, dahilan para magtamo ng pinsala ang ilang apektadong lugar. 

May lalim na 15 kilometro ang pagyanig na nangyari alas-7:37 ng gabi, at nangyari ito 22 kilometro ang layo mula sa bayan ng Tulunan. 

Kinumpira rin ni Tulunan Mayor Reuel Limbungan na isang bata ang namatay at dalawa naman ang nasugatan sa bayan. 

Naramdaman din ang pagyanig sa ilan pang mga parte ng Mindanao, gaya ng Davao del Sur at Kidapawan City. 

Naitala ang aftershock sa Sultan Kudarat na may lakas na magnitude 5.5, ayon sa Philvolcs. 

Ayon kay Kidapawan Mayor Joseph Evangelista, inaantay na lang nilang dumating ang mga report ng pinsala sa lindol. 

"We’re receiving reports of damage but we’re still verifying but we’re relatively OK at this moment. We’re still waiting for the reports to come in," aniya. 

Nagtamo ng pinsala ang ilang establisimyento sa mga apektadong lugar. 

Samantala, nasunog ang Gaisano Mall sa General Santos City kasunod ng lindol. 

Nagsilikas din ang mga pasyente ng isang ospital sa Kidapawan City kasunod ng pagyanig. 

 

Bumagsak naman ang ilang pader sa Cor Jesu College sa Digos City, Davao del Sur sa tindi ng pagyanig. 

 

Lumikas ang mga residenteng naninirahan sa coastal area ng Davao City matapos ang lindol. 

 

Pero tiniyak naman ni Philvolcs director Renato Solidum na walang inaasahang tsunami matapos ang lindol. 

Naramdaman ang Intensity VII sa Kidapawan City, at Intensity V sa Tupi, South Cotabato maging sa Alabel, Sarangani. 

Nadama naman ang Intensity IV sa Kiamba, Sarangani, T'Boli, South Cotabato, at General Santos City. Intensity III ang naramdaman sa Cagayan de Oro City at sa Gingoog City, Misamis Oriental. 

Samantala, Intensity II ang naramdaman sa Cagayan de Oro at Misamis Oriental, at Intensity I naman ang naramdaman sa Dipolog City at Bislig City. 

Nagsuspinde na ng klase ang ilang lokal na pamahalaan matapos ang lindol. 

Inalerto din ngayon ang publiko laban sa mga posibleng aftershock. 

-- May ulat nina Jay Dayupay at Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.