Bangkay ng dalagitang 'itinali, ginahasa' natagpuan sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 03:50 PM | Updated as of Oct 16 2019 04:03 PM

CAGAYAN— Natagpuang patay ang isang 14-anyos na dalagita sa maisan sa Barangay Pacac Pequenio sa bayan ng Amulung noong Lunes ng umaga.

Ayon kay Police Capt. Albert Florentino, hepe ng Amulung Police Station, Linggo ng gabi ay nagpaalam sa magulang ang dalagita na makinood ng telebisyon sa bahay ng kabarangay na 50 metro ang layo sa kanilang bahay. 

Pero hindi na umuwi ang dalagita.

"Usually pinababayaan lang ng magulang kung anong oras uuwi 'yung bata. Kung minsan hindi na umuuwi sa bahay, natutulog sa kaniyang lola. Ang alam ng father niya ay nakitulog dun sa bahay ng lola, kaya hindi na rin hinanap nung gabing nawala,” ani Florentino.

Kinabukasan ay natagpuan ng isang residente ang bangkay ng dalagita sa bahagi ng isang maisan. Wala itong saplot pang-ibaba. 

Batay sa paunang imbestigasyon, namatay sa pagkakasakal ang biktima na may tali sa leeg at inilambitin pa sa isang puno.

Posibleng hindi na rin nakalaban ang biktima dahil itinali rin patalikod ang kaniyang mga kamay at mga paa.

Hinala rin ng mga awtoridad na ginahasa ang biktima dahil wala na itong saplot pang-ibaba.

Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen.

May persons of interest na rin ang pulisya sa krimen, ayon kay Florentino. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.