31 baboy sa piggery sa Cavite hinihinalang namatay dahil sa ASF

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pagkamatay ng aabot sa 31 baboy sa isang babuyan sa Dasmariñas, Cavite, na hinihinalang dahil sa African swine fever. 

Sabado nang magsimulang mamatay ang alagang baboy ni Leoncio Tasis sa Barangay Emmanuel, Bergado Uno. Kinabukasan, namatay na rin ang lahat ng kaniyang alagang baboy. 

Ayon kay Tasis, nagdugo ang dumi at namula ang balat ng mga baboy - ilan sa sintomas ng ASF. 

''Biglang tumamlay na po sila,hindi na kumain ng kaning baboy, bumili rin ako ng feeds tubig tubig na lang. Sabay sabay na po namatay," ani Tasis, na P300,000 ang ikinalugi sa nangyari. 

Agad na ipinadala sa Bureau of Animal Industry ang blood sample ng isa sa mga baboy na namatay. 

Pero hindi pa kinukumpirma ng Department of Agriculture maging ni Dasmariñas Mayor Jennifer Barzaga kung nagpositibo nga ba sa ASF ang mga baboy. 

Agad ding inilibing ang mga namatay na baboy noong weekend at nagsagawa ng disinfection sa apektadong piggery, ayon kay Barangay Chairman Winifredo Dedase. 

Pinag-aaralan na ngayon ng lokal na pamahalaan na patayin ang higit 2,000 baboy na sakop ng isang kilometro mula sa apektadong piggery. 

Ikinasa na rin ang "Task African Swine Fever" para plantsahin ang gagawing hakbang. 

Aabot sa 30 barangay ang apektado nito. 

Naghahanda namang tumulong ang Department of Agriculture at ng lokal na pamahalaan sa mga maapektuhan nito. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.