Taxi drayber, natagpuang patay

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 06:47 PM

May mga saksak sa katawan ang biktima nang matagpuan sa loob ng kaniyang pinapasadang taxi sa Barangay Libacao sa Himamaylan City, Negros Occidental. Larawan mula sa Himamaylan City Police

HIMAMAYLAN CITY, Negros Occidental – Patay na nang matagpuan sa loob ng kaniyang pinapasadang taxi ang isang lalaki sa Purok 2, Barangay Libacao sa lungsod na ito, Lunes ng gabi.

May mga saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Junie Celis, taga Silay City.

Ayon sa Himamaylan City Police, nakatanggap sila ng tawag na may isang sasakyan ang naaksidente. 

Narekober mula sa loob ng taxi ang mahigit sa P3,000 na pinaniniwalaang kita sa pamamasada ni Celis, isang cellphone at relo. 

Dagdag pa ng pulisya, nagmula Bacolod City ang biktima at may inihatid na suking pasahero sa Himamaylan City.

Tinitingnan pa ng awtoridad ang anggulong napornadang hold-up ang nangyari. Isa pang motibo na tinitingnan ay personal grudge.

Kasalukuyan namang may persons of interest na ang pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.