SAPUL SA CCTV: 4 nakaparadang sasakyan inararo ng truck

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 08:02 PM

Watch more in iWantTFC

Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang driver ng isang truck na tumakas matapos araruhin ang apat na nakaparadang sasakyan sa kahabaan ng Santolan Street sa San Juan City.

Nagreklamo sa San Juan police ang mga may-ari ng mga sasakyan matapos matuklasan noong umaga ng Biyernes ang mga wasak sa tagiliran ng kanilang mga behikulo.

"Napansin ko may parts na nandoon sa kalye, parts ng cars so I rushed doon sa kotse, I saw my car na lang, buong side niya, punit na siya," kuwento ni Jeff Tuason, isa sa mga may-ari.

Hinanap ng mga awtoridad ang CCTV footage at napanood ang pagbangga ng trailer truck sa mga sasakyan, bandang 4:30 ng madaling araw noong Biyernes.

Sa bilis ng takbo, halos matumba na ang truck habang papaliko kaya nabangga nito ang mga nakaparadang sasakyan, base sa kuha ng CCTV.

Hindi nakita sa video ang plate number ng truck kaya hinahanapan ng paraan ng pulisya kung paano matutukoy ang pagkakakilanlan ng driver at ng employer nito.

"Nag-request na kami sa Camp Crame para sa enhancement ng CCTV footage," ani Senior Police Officer 4 Johnny Cambri ng San Juan police.

Nais ding panagutin ng mga biktima ang kompanyang nagmamay-ari sa truck.

"Tinakbuhan kami. Sana kung tumigil man lang siya, hinintay niya kung sino 'yong may-ari, mag-apologize at ayusin kung ano 'yong kailangang ayusin," ani Tuason.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang truck driver, bukod pa sa mga obligasyong danyos sa mga biktima.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.