Puerto Princesa vice mayor, tatakbong alkalde kahit nasangkot sa ilegal na droga

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 07:49 PM

Naghain ng certificate of candidacy sa pagka-alkalde si Puerto Princesa City Vice Mayor Luis Marcaida III nitong Martes ng hapon. ABS-CBN News

Kahit nasangkot sa ilegal na droga, naghain ng certificate of candidacy si Puerto Princesa City Vice Mayor Luis Marcaida III nitong Martes ng hapon.

Tatakbo bilang alkalde si Marcaida sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko.

"Kung bakit tayo tumakbo, gusto po nating magkaroon ng pagbabago. Gusto nating mag-offer ng alternatibong pagpipilian ang mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa na magiging leader sa susunod na panahon," aniya.

Sa kabila ng kasong kinakaharap ni Vice Mayor Marcaida, naniniwala siyang hindi ito magiging sagabal sa kaniyang pag-upo sakaling siya ay manalo.

"Malakas ang laban ko dun sa kaso. Naniniwala ako na mananalo tayo doon sa kaso. Dahil from the very start, alam ko na wala akong kasalanan," aniya.

Nakuha sa bahay ni Marcaida noong Setyembre 4, 2017, ang 30 pakete ng hinihinalang shabu, 5 baril, daan-daang bala, 3 rifle grenade, at 1 hand grenade.

Matapos ang isang taon at isang buwang pagka-bilanggo, nakapagpiyansa si Marcaida noong Oktubre 5 sa lahat ng kasong hinaharap niya.

Ito'y matapos katigan ng Regional Trial Court Branch 49 ang motion for reconsideration na isinumite ng kampo ng bise alkalde.

Ayon kay Atty. Zoilo Cruzat, abogado ni Marcaida, nakita ng hukuman na hindi malakas ang ebidensyang iprinisenta laban rito kaya't pinayagan itong makapag piyansa.

Ang mga makakasama ni Marcaida na tatakbo bilang konsehal ay sina dating konsehal Mike Cuaderno at Erwin Edualino, at ilan sa mga kilalang kaalyado ng dating alkalde Edward Hagedorn.

Tatakbo rin bilang konsehal sina Bobot Almasco, Gerry Abordo, Olik Reynoso, Patrick Hagedorn at Cristina Buenafe.

Inaasahan naman na sa Miyerkoles maghahain ng COC ang grupo nila Mayor Lucilo Bayron na dating running mate ni Marcaida.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.