Presong diumano'y nang-agaw ng baril ng pulis, patay

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 05:40 PM

Inagawan umano ng preso ng baril ang isang pulis habang nagsasagawa ng Oplan Galugad sa kulungan ng Talomo Police Station sa Davao City, Martes.

DAVAO CITY – Dead on arrival sa pagamutan ang isang preso matapos na mabaril ng pulis sa loob ng selda ng Talomo Police Station sa lungsod na ito, Martes ng umaga.

Ayon kay Chief Inspector Ronald Lao, inagawan ng baril ni Rico Jay Lauron Labao si PO1 Reggie Ellaso habang nagsasagawa ng Oplan Galugad sa kulungan.

Si Labao ay suspek sa pagpatay sa 6-anyos na batang babae na limang araw nang nawawala. Nadiskubre lamang ang naaagnas nang bangkay ng bata noong Setyembre 23, 2018 sa talahiban ng Barangay Matina Pangi.

Hindi naman makapaniwala ang kaanak ng napatay na preso na nang-agaw ito ng baril.

Nong Hunyo 28, 2018 napatay din ng mga pulis sa Talomo Police Station si James Narte, suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang high school student sa Barangay Bago Gallera.

Dadalhin na sana sa korte si Narte nang mang-agaw umano ito ng baril sa isang buntis na pulis na mag i-escort sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.