Permit ng provincial bus terminals sa EDSA balak ipakansela ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak patanggalan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng business permits ang mga provincial bus terminal sa EDSA para tuluyan na umanong lumuwag ang daloy ng trapiko sa naturang kalsada. 
 
"Kakausapin na namin ang mga LGU (local government unit) para bawiin ang mga business permit ng mga ito... Iyan naman ang goal eh, walang provincial buses sa EDSA," ani MMDA general manager Jojo Garcia. 

Suportado rin daw ng gobyerno ang hakbang na ito ng MMDA. Katunayan ay may liham pa ang MMDA mula Malacañang na balak nilang ibigay sa LGU upang pagbigyan ang hiling na pagtanggal sa permit ng mga terminal. 

Ayon sa MMDA, malaking pagluwag sa EDSA ang mararamdaman kapag nawala ang provincial buses.

Sa ngayon ay nakakadaan pa ang mga provincial bus sa EDSA dahil hindi pa handang mag-operate ang mga interim terminal na paglilipatan ng mga ito. 

 INAASAHANG EPEKTO

Nasa 46 ang bus terminals sa kahabaan ng EDSA at halos isang taon ang ginugol ng MMDA sa pagpapasara sa mga napatunayang ilegal na nag-o-operate. 

May mga violation kasi ang mga ito gaya ng sablay na pasukan at labasan ng bus na siyang sanhi ng trapiko.

Magiging malaking ginhawa rin umano para sa MMDA ang pagbawi ng business permits dahil talagang malilinis daw ang choke points sa EDSA.

"Pag natanggal mo 'yan, pati 'yung ibang nagpa-park sa EDSA gaya ng tricycle, taxi, at UV na sumasalo sa mga pasahero, mawawala na din kaya laking ginhawa 'yan," ayon kay Bong Nebrija, hepe ng MMDA Task Force Special Operations. 

Pero sabi ni Nebrija, hindi naman bibiglain ang implementasyon ng total ban sa provincial buses sa EDSA. 

Ayaw itaon ng MMDA ang pag-implement ng mga bagong polisiya sa malalaking okasyon na paparating gaya ng Undas at Pasko, kaya Enero ang target nila na mapaluwag nang husto ang EDSA.

—Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.