Pagrepaso sa party-list system, itinutulak kontra 'pamomolitika'

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 06:50 PM | Updated as of Oct 16 2018 08:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila pinapasok na raw ng "tradisyonal" na politika ang party-list system kung pagbabasehan ang hanay ng mga naghahain ng kandidatura para sa papalapit na halalan sa 2019.

Puna ni University of the Philippines (UP) political science Assistant Professor Jean Franco, ginagamit na rin kasi ito ng mga politikong walang mapaglagyan sa ibang partido, o kaya naman ay naubos na ang term limit sa ibang puwesto.

“Iyun pa rin ang nangyayari... At parang lalong pinapakita na kahit may party-list, ang sikip pa rin nu'ng entry to politics ng mga walang connection, walang resources,” ayon sa propesor. 

Sa ilalim kasi ng batas, ang party-list system ay kumakatawan sa mga "marginalized sector" o mga grupong hindi gaanong nabibigyan ng pansin sa lipunan. Layon ng mga party-list na makagawa ng batas para sa kapakanan ng mga kinakatawan nito.

Ayon kay dating Commission on Elections (Comelec) Chair Sixto Brillantes, sumobra ang dami ng mga gustong tumakbo sa ilalim ng mga party-list dahil sa 2013 Supreme Court (SC) ruling na nagsasabing hindi limitado sa mahihirap na sektor ang pagiging party-list.

 Tingin ni Brillantes, kailangang bumuo ng bagong batas para masala ang mga party-list group at hindi magamit ng mga gusto lang makapuwesto sa Kongreso.

"It is about time we revise the entire party-list law para malinis. Tingnan mo ito, ang dami-dami, kung sino-sino ang pumupunta [para kumandidato]," aniya. 

Ganito rin ang opinyon ni dating Bayan Muna party-list Representative at ngayong senatorial candidate Neri Colmenares. 

“It used to be a back door entry of politicians but now it's in the front door with red carpet,” aniya.

[Noon ay ito pa ang patagong pamamaraan ng mga politiko upang makapasok sa Kongreso ngunit ngayon ay lantaran na itong ginagamit na tila ba may red carpet pa.]

Kasama sa mga nagnanais mapabilang sa Kongreso sa pamamagitan ng party-list sina dating Presidential Communications Operations Office Assistant Secretary Mocha Uson at dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Watch more in iWant or TFC.tv

'MULA RIN SA POLITICAL FAMILIES'

Nitong 17th Congress na lamang, sa 58 kongresista na kumakatawan sa mahigit 40 party-list groups ay apat ang may kamag-anak na nakaupong district congressman.

Magkakamag-anak na party list at district congressman:

  • PBA party-list Rep. Jericho Nograles at Davao City Rep. Karlo Nograles
  • Mata party-list Rep. Tricia Velasco Vatera at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco
  • Alona party-list Rep. Anna Villaraza-Suarez at Quezon Rep. Danilo Suarez
  • AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin at Iloilo Rep. Oscar Garin

Bukod pa ito sa ibang party-list congressmen na galing sa political families.

Pero depensa ni Jericho Nograles, may kaniya-kaniya raw silang adbokasiya at naipaglalaban rin daw nila ang kanilang mga kinakatawan. —Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.