'Pag-angkat ng mas murang diesel inaasahan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 07:30 PM | Updated as of Oct 16 2018 08:40 PM

Watch more in iWantTFC

Malapit nang mag-angkat ang gobyerno ng diesel na mas murang ibebenta sa mga gasolinahan.

Sa Miyerkoles, paaaprubahan sa Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) Board ang alok ng isang kompanya na 50,000 metric tons o 59 milyong litro ng diesel galing Singapore.

"If the board approves, there is a possibility that they can deliver it within the next five days. It will still fall within the month of October, which is our deadline," sabi ni PNOC-EC President Pedro Aquino Jr.

Tiniyak din ni Aquino na hindi lang mga transport group kundi pati mga pribadong motorista ang makikinabang sa mas murang diesel.

Mas mababa raw ang aangkating diesel ng P5 mula sa kasalukuyang pump price.

"Puwede pa po namin pababain iyan o palakihin ang diskuwento," ani Aquino.

Nasa P2 bilyon ang gastos sa unang shipment, na maaari pang dagdagan depende sa storage capacity ng gobyerno.

P10 MINIMUM PASAHE, OK SA TRANSPORT GROUPS

Dahil sa inaasahang pag-angkat ng mas murang diesel, pumayag na rin ang mga transport group na gawing P10 ang minimum na pasahe sa mga jeep, sa halip na P12 na kanilang inihihirit.

"Sa ngayon, P10 kaya na namin basta tuparin lang ng Department of Energy (DOE) iyong pangako nilang gagawin nilang babawasan ng P6 hanggang P10 ang presyo ng ating krudo," ani Zeny Maranan, president ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap).

Ayon sa mga source, pinapipirmahan na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang desisyon na nagbibigay ng P1 dagdag sa kasalukuyang P9 minimum na pasahe.

Ayon naman sa grupong Pasang Masda, kahit pumayag na sila sa P10 minimum na pasahe, dapat pa rin daw rendahan ng DOE ang mga kompanya ng langis na sobra raw kung magtaas ng presyo sa diesel.

"Pagtaas, wala silang tigil, pagbaba, pigil na pigil," ani Pasang Masda President Roberto Martin.

Naunang ihirit ng mga transport group noong nakaraang taon ang P2 dagdag sa minimum fare. Ibig sabihin, itataas ang minimum na pasahe sa P10 mula P8.

Sinundan ito ng pag-apruba ng LTFRB noong Hulyo sa P1 pansamantalang dagdag-pasahe na iiral habang patuloy na dinidinig ang naunang petisyon.

Pero noong Setyembre, humirit ang transport groups na gawing P12 ang minimum na pasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.