Isko Moreno sa pagtakbo bilang alkalde ng Maynila: Kami naman po

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 06:38 PM

MAYNILA - Napapanahon na ang pagbabago sa siyudad ng Maynila, para kay dating Social Welfare Undersecretary Isko Moreno.

Ayon kay Moreno, matagal naman niyang pinagisipan at pinaghandaan ang pagtakbo bilang alkalde ng lungsod ng Maynila.

“Kaya lamang noong sila ay nakisuyo, nabigyan pa sila ng panahon, nagbigay naman po tayo. Kaya nga ang aming kampanya, ‘Sir, napagbigyan na po namin kayo ha, pahinga na po kayo. Kami naman,” sabi ni Moreno sa panayam sa DZMM Martes ng hapon.

Nagsilbi bilang vice mayor sa lungsod si Moreno bago sumabak sa pagtakbo sa Senado, pero natalo, noong 2016.

Maaaring makatunggali ni Moreno si Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada na dati niyang kaalyado. 

Biyernes nang maghain ng kaniyang certificate of candidacy si Moreno para tumakbo bilang alkalde ng Maynila.

"They were given the opportunity. Mayor [Alfredo] Lim served the city for 12 years; Mayor (Joseph Estrada) Erap served the city for 6 years. You're talking of 18 years of our lives--two leaders only. Where are we now?," sabi ni Moreno.

Para kay Moreno, kailangan ng siyudad at mamamayan nito ng mga development na maguudyok ng domestic economic opportunities.

"Hindi ito tungkol sa amin. Tungkol ito sa siyudad ng Maynila at sa aming mamamayan na nalulugmok lamang sa sitwasyon," ani Moreno.

“Modest and decent” campaign naman ang paiiralin ng kampo ni Moreno na mas tututok umano sa mensahe at hindi sa mga walang lamang pangako.

"Anong edge namin? Sila, they told us or gave us hope or promises before. But in reality, ito ang katayuan ng Maynila: ang basura sa kanto, sa bawat iskinita--you can see it on television. I don't like yung passive leadership, yung day-to-day lang," sabi ni Moreno.

Pero batid din niya na 'di hamak na mas malaki ang kaniyang kakalabanin sa halalan sa susunod na taon at di rin nila mapapantayan ang kaya nilang ilabas para sa resources na gagamitin sa kampanya.

"Kailangan umiral ang abilidad. Ako po kahit saang kalye ng lungsod, kaya kong puntahan. Kaya kong makipag-usap, makipagkuwentuhan--kumbaga kabisado ko po yung Maynila. That saves a lot of money and resources," sabi niya.

Bago naman siya naging undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), naitalaga siya bilang chairman ng North Luzon Railways Corp. noong Hulyo ng nakaraang taon. Pero matapos lamang ang tatlong buwan ay nagbitiw na rin sa pwesto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.