Guro, pinaslang at ninakawan sa loob ng bahay sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 12:58 AM

ILOILO - Patay na nang makita sa loob ng kaniyang bahay nitong Lunes ng umaga ang isang guro sa Passi City, Iloilo.

Nagtamo ng saksak sa likod at sugat sa ulo na pinaniniwalaang pinukpok ng martilyo si Ma. Corazon Tionson, 55 anyos.

Wala na ring saplot pang-ibaba ang biktima na isang guro sa elementarya sa nasabing lugar. 

Base sa imbestigasyon ng Passi police, pagnanakaw ang tinitingnang motibo sa pamamaslang. Wala na ang cellphone, pera, at iba pang personal na gamit ng biktima sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Gemumoa-Agahon.

Posible rin umanong hinalay ang biktima dahil wala na ang saplot pang-ibaba nang nakita.

Tukoy na ng mga pulis ang suspek na isang ex-convict sa nasabing lugar. May nakakita nito na may dala-dalang maraming pera.

Pinuntahan nila ang bahay ng suspek, pero wala na ito sa lugar. Nakita sa bahay nito ang isang kuwintas na pagmamay-ari ng biktima. - ulat ni Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.