Espenido, nagpaalam na sa Ozamiz

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 05:32 AM

OZAMIZ CITY - Pormal na nagpaalam sa harap ng media si Chief Insp. Jovie Espenido bilang hepe ng Ozamiz City Police Station.

Ani Espenido, wala pa siyang natatanggap na opisyal na utos galing sa Camp Crame ukol sa kaniyang bagong assignment.

Nitong huling linggo, lumabas ang order ni Espenido na na-relieve na ito sa puwesto at ililipat na sa Catanduanes.

Ayon kay Espenido, hindi malayo na mauulit muli na madi-dismiss ang mga kaso laban sa mga Parojinog dahil ililipat na naman siya na hindi pa naiayos ito.

“Hindi pa nakonbikto 'yung mga Parojinog at hindi pa na-apply sa WPP (Witness Protection Program) ang mga witnesses," aniya.

Kasabay ng pamamaalam ni Espenido, hindi na rin niya ipagpapatuloy ang planong pagtakbo bilang alkalde ng Ozamiz na nauna niyang sinabi noong Setyembre.

"Paano ako makatakbo na na-relieve na, wala na,” aniya.

Pansamantalang nakaupo bilang hepe ng Ozamiz City si Supt. Ramil Waper habang hinihintay ang papalit kay Espenido.

Hiling ni Espenido sa papalit sa kaniya, ipagpatuloy ang kaniyang nasimulan na maging malapit sa mga tao dahil nakakatulong umano ito sa mga operasyon ng pulisya. - ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.