COC filing sa Misamis Oriental, nilalangaw

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 03:41 PM | Updated as of Oct 16 2018 05:36 PM

Wala pang kandidato ang naghahain ng kanilang kandidatura para sa posisyon ng gubernador, bise gubernador at board member sa lalawigan ng Misamis Oriental.

CAGAYAN DE ORO CITY, Misamis Oriental - Malinis at blanko pa rin ang logbook ng Commission on Election (Comelec) sa probinsiya sa ikaapat na araw ng filing of candidacy ng mga kandidatong tatakbo sa 2019 midterm polls.

Wala pa ring naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa posisyon na gubernador, bise gubernador at board member.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Carlito Ravelo, posibleng inuna ng mga kakandidato sa probinsiya ang kanilang mga kaalyado sa lungsod na makapag-file ng kandidatura.

Inaasahan ng provincial Comelec na sa huling araw ng filing ng COC ay magsisiksikan sa kanilang opisina ang mga kakandidato kasama ang kanilang mga tagasuporta.

Sa kanilang record, umabot na sa 202 ang naghain ng kandidatura sa mga bayan sa buong probinsya para sa halalan sa May 13, 2019 sa loob ng nakaraang tatlong araw.

Muling nagpaalala ang Comelec na wala silang ibibigay na extension sa filing ng COC.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.