Binata timbog sa pagtangay ng backpack ng estudyante

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 12:22 PM

Watch more in iWantTFC

Timbog ang isang binatilyo matapos nakawin ang isang bag ng estudyante sa Quezon City.

Sa CCTV footage ng barangay Holy Spirit sa Quezon City, kita ang mabagal na paglalakad sa kalsada ng 16 taong gulang na si alyas "Albert."

Ang backpack na suot pala nito, hindi kaniya at ninakaw lang.

Ang video ang naging daan para magkasa ng follow-up operation ang mga pulis ng Police Community Precinct 3 sa QC.

Nakuha sa 16 anyos ang bag na naglalaman ng cellphone at pera.

Tahimik si Albert nang nasa presinto at tila natauhan sa nagawang krimen.

Ayon sa kaniyang ama, parati naman niyang pinagsasabihan ang anak kaso lamang ay kung kani-kanino umano ito napapasama.

"Galit ako sa kaniya eh. Pinalaki ko siya nang maayos eh. Tinuruan ko ng maayos na asal...Dahil diyan sa barkada eh...[Pero] inuunawa ko na lang," ayon sa ama ng suspek na si alyas "Robert."

Nakikiusap naman ang ama sa biktima na huwag nang kasuhan ang anak nito at nangakong mas hihigpitan lalo ang pagpapalaki dito.

Kahit na menor de edad, mahaharap pa rin sa inquest proceedings para sa kasong theft si Albert at saka siya itu-turnover sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.