Australian national, natagpuan patay sa Ilocos Sur

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 06:54 PM

SINAIT, Ilocos Sur - Patay na nang matagpuan ang isang Australian national sa loob ng inupahan nitong bahay sa Barangay Katipunan nitong Lunes.

May tama ng baril sa ulo ang biktimang si Reginald Hodgens.

Dati umanong nakatira sa karatig bayan ang biktima pero lumipat ito sa Sinait matapos na magsampa ng kaso laban sa isang Pilipino, ayon sa pulisya. 

Hindi naman nagbigay ng ibang detalye ang awtoridad para hindi umano maapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon.

“Siguro, ang motibo, may revenge kasi based doon sa nakita naming mga documents, may pinilahan siya ng kaso doon sa Cabugao,” sabi ni Senior Inspector Edmund Artates.

Wala pang pagkakakilanlan ang salarin habang nakipag-ugnayan na ang awtoridad sa emhada ng Australia para sa pag-uwi sa mga labi ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.