ALAMIN: Parusa sa di pagbibigay ng saktong sukli

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 05:27 PM

Watch more in iWantTFC

Kapag namimili, may ilang pagkakataon na hindi nasusuklian nang maayos, o minsan pa'y tinutumbasan na lamang ng kendi ang baryang hindi maibigay ng tindero o tindera. 

Pero ayon sa batas, bawal ang hindi pagbibigay ng eksaktong sukli ng mga establisimyento sa kanilang kostomer. 

"Hindi rason na sasabihin ng isang tindahan na wala silang panukli, dahil pinagbabawal 'yan sa ating batas. Dapat laging may panukli ang ating mga tindahan. Kung laging nagrereklamo na walang panukli, puwede na ireklamo ang tindahan," ani Atty. Erin Tañada sa "Usapang de Campanilla" nitong Lunes. 

Sa ilalim kasi ng Republic Act 10909 o "No Shortchanging Act" ay obligado ang mga establisimyento na magbigay ng eksaktong sukli sa kanilang mamimili. 

Paliwanag ni Tañada, isinabatas ito para maiwasan ang pang-aabuso ng mga tindahan at maging ng mga malalaking negosyo tulad ng mga supermarket. 

"Kung isipin mo na lang kung gagawin ng isang establishment sa lahat ng mga mamimili na tig-10 sentimo [ang dapat sukli], malaki-laki 'yon [kapag naipon]. At kung 2,000 na customer ang [di nasuklian], P200 din 'yan," ani Tañada. 

Kung mapatunayang hindi nanunukli nang maayos ang isang establisimyento, maaaring multahan base sa sumusunod, kung ano ang mas mataas: 

  • 1st offense → P500 o 3 porsiyento ng gross sales ng tindahan
  • 2nd offense → P5,000 o 5 porsiyento ng gross sales ng tindahan 
  • 3rd offense → P15,000 o 7 porsiyento ng gross sales ng tindahan 

Kung ipagpapatuloy pa ng tindahan ang hindi pagsusukli nang maayos, maaaring suspendihin nang tatlong buwan ang operasyon nito.

Maaaring idulog sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga tindahan o establisimyentong hindi nagbibigay ng tamang sukli. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.